Kapamilya Fans Gusto-guto Ibalik ang Morning Show ng Umagang Kay Ganda ng ABS-CBN

 



Sa gitna ng sunud-sunod na pagpapahiwatig ng pagbabalik ng ilang Kapamilya programs sa free TV—kasunod ng desisyon ng ABS-CBN na iere ang Kapamilya Channel sa ALLTV2—may isang palabas na mas gusto raw ng loyal at solid Kapamilya fans at netizens na muling mapanood: ang iconic morning show na “Umagang Kay Ganda” (UKG).


Ang Umagang Kay Ganda ay unang umere sa dating ABS-CBN Channel 2 noong Hunyo 25, 2007 bilang kapalit ng Magandang Umaga, Pilipinas, at nagwakas noong Mayo 5, 2020—ang araw na ipinatigil ng National Telecommunications Commission (NTC) ang pag-ere ng Kapamilya Network dahil sa pagkakapaso ng prangkisa nito.

Marami ang nagsasabing namimiss diumano nila ang UKG hindi lamang bilang pampagising o kasabay sa almusal, kundi dahil sa maagang pagbabalita, masinsing talakayan, at makabuluhang features na naging bahagi na ng pang-araw-araw na gawain ng maraming Pilipino. Bago pa man ito naging Umagang Kay Ganda, nakasanayan na rin ng ilan ang mas maagang bersyon nito na “Alas-Singko Y Medya”, dahilan upang tumibay ang habit ng panonood tuwing umaga.

Lalong umigting ang clamor diumano para sa comeback ng UKG matapos ang sunud-sunod na pagpo-post at pagpapakuha ng larawan ng ilang Kapamilya journalists at personalities sa studio na dati’y ina-assignan ng naturang programa. Para sa mga netizen, tila may “pa-hint” umano—o baka simpleng nostalgia—na muling nagpasigla sa pag-asang maibalik ang palabas.

Bagama’t may nagsasabing “imposible” pa raw ang agarang pagbabalik ng UKG dahil sa kasalukuyang sitwasyon ng ABS-CBN matapos mawalan ng prangkisa, hindi pa rin maiwasan ng marami ang umasa. Sabi nga ng kasabihan, “never say never.” Malay nga naman natin—baka isang umaga, bigla na lang muling tumunog ang iconic theme song ng UKG na hango sa isang classic OPM hit, at magising ang bansa sa pagbabalik ng isang minahal na morning staple.

Sa ngayon, nananatili itong hiling at usap-usapan pa lamang. Ngunit malinaw ang mensahe ng Kapamilya fans: kung may babalik man sa umaga, “Umagang Kay Ganda” pa rin ang hanap ng marami. ☀️📺

No comments:

Post a Comment