Sa panayam sa Fast Talk with Boy Abunda, inamin ni Ruffa Gutierrez na maayos na muli ang ugnayan nila ng dating asawang si Yilmaz Bektas. Ayon kay Ruffa, madalas na silang magkausap sa telepono at tila bumabalik ang kanilang dating pagkakaibigan.
“Ang tagal na naming hindi nagkita. On the phone, naging magkaibigan na kami, nagtetelebabad kami,” pagbabahagi ni Ruffa. Binalikan pa niya ang masasayang alaala ng kanilang unang pagkikita, kabilang na ang kwelang asaran kung sino ang unang “naghabol.”
Bagamat matagal bago sila muling nagkaayos, nilinaw ni Ruffa na pinili niyang maging mahinahon na sa tuwing napag-uusapan si Yilmaz, para na rin sa ikabubuti ng kanilang mga anak na sina Lorin at Venice. Ikinatuwa rin niya na may direkta nang komunikasyon ang magkapatid sa kanilang ama. “Maganda. Kasi they're able to talk to him already nang direkta,” aniya.
Sa kasalukuyan, masayang nagbabakasyon sina Lorin at Venice sa Turkey kasama ang kanilang ama.
Kasabay nito, pinabulaanan ni Ruffa ang tsismis na may bago nang asawa si Yilmaz. Ayon sa kanya, “Hindi totoong nagkaroon siya ng bagong asawa.” Bagamat nagkaroon umano ito ng fiancé, hindi raw ito nagtagumpay, at wala rin umano itong ibang anak maliban kina Lorin at Venice.
Bagama’t bukas si Ruffa sa ideya ng muling pagkikita nila ni Yilmaz sa personal, nilinaw niyang wala siyang planong muling pumasok sa romantic relationship sa dating asawa. “It may not have to be romantic, but I think it would be nice to have a nice dinner with him,” saad niya.
Sa tanong ni Boy Abunda kung posible ba ang pagbabalikan, mabilis ang sagot ni Ruffa: “Probably not.”
Para kay Ruffa, mas mahalaga ngayon ang pagkakaibigang may respeto at malasakit—lalong-lalo na para sa kapakanan ng kanilang mga anak. “Because I believe that our friendship now is made to last with the girls,” pagtatapos niya.
No comments:
Post a Comment