Sa isinagawang watch party para sa huling episode ng FPJ's Batang Quiapo noong Marso 13, tinanong ni Kapamilya entertainment reporter MJ Felipe si Coco Martin tungkol sa hindi pagtuloy agad ng pagpapalabas ng bagong serye nila ni Julia Montes na Sigabo, na inaasahan sanang magsisimula ngayong Marso 16.
Ayon kay Coco, naging mabigat ang naging trabaho ng kanilang team sa CCM Film Productions dahil sa sunod-sunod na taping para sa finale ng Batang Quiapo. Ibinahagi niyang sinikap nilang ibigay ang lahat upang maging kapana-panabik ang pagtatapos ng serye, kaya nakaapekto ito sa paghahanda nila para sa susunod na proyekto.
Sinabi rin ng actor-director na nakapagsimula na sila ng taping para sa Sigabo, ngunit habang tumatagal ay napansin ng buong production na pagod na ang lahat, kaya nagdesisyon silang magpahinga muna. Paliwanag niya, gusto nilang mas mapaghandaan ang bagong serye upang masigurong maayos ang takbo ng kwento at kalidad ng produksiyon.
Dagdag pa ni Coco, mahalaga sa kanila na mapanatili ang mataas na standard ng mga palabas ng ABS-CBN, lalo na’t ang Sigabo ang susunod na proyekto matapos ang matagumpay na Ang Probinsyano at Batang Quiapo. Dahil dito, kinausap niya ang management upang ipaliwanag ang sitwasyon at humingi ng pahintulot na ipagpaliban muna ang airing ng serye.
Humingi rin siya ng paumanhin sa fans na matagal nang naghihintay sa kanilang bagong action-romance show. Nilinaw niyang hindi kinansela ang Sigabo kundi ipinagpaliban lamang upang mas mapaganda pa ang kabuuan nito. Ayon din sa kanya, hindi totoo ang mga kumakalat na balita na natatakot ang kanilang serye sa katapat na programa, dahil ang mas mahalaga para sa kanila ay ang kalidad ng palabas.
Samantala, hinikayat ni Coco ang mga manonood na suportahan muna ang The Alibi: Ang Buong Katotohanan nina Kim Chiu at Paulo Avelino, na pansamantalang mapapanood sa Primetime Bida habang inaayos at mas pinaghahandaan ang pagbabalik ng Sigabo.
Tiniyak ni Coco na kapag handa na ang kanilang team, sisiguraduhin nilang ang bagong serye ay magiging kasing ganda—o mas hihigit pa—sa mga naunang proyektong minahal ng mga manonood.
No comments:
Post a Comment