ASAP, Lalong Pinalakas sa Ika-31 Anibersaryo

 


Noong Pebrero 5, 1995, isinilang ang programang tuluyang nagbago sa Sunday viewing habits ng mga Pilipino—ang ASAP. Ngayong taon, eksaktong 31 taon na ang lumipas mula nang ilunsad ng dating ABS-CBN Channel 2 ang Sunday noontime musical variety show na All-Star Sunday Afternoon Party, na mas kilala bilang ASAP.


Pumalit ang ASAP sa iniwang slot ng “Sa Linggo nAPO Sila,” habang ang dating pumupuno sa weekday slot na “Eat Bulaga” ay lumipat naman noon sa GMA Network. Mula pa lamang sa unang pag-ere, malinaw na ang layunin ng programa: maghatid ng world-class na aliwan tuwing Linggo ng hapon.

Pinangunahan ang unang batch ng hosts ng mga haligi ng OPM at entertainment industry—sina Martin Nievera, Pops Fernandez, Ariel Rivera, at Dayanara Torres, habang si Johnny “Mr. M” Manahan ang nagsilbing overall director. Ang Delta Theater ang naging unang tahanan ng ASAP bago ito lumipat sa Studio 3, at kalaunan ay sa kasalukuyang tanghalan nito sa Studio 10 ng ABS-CBN.

Sa paglipas ng mga taon, naging saksi ang manonood sa ilan sa mga pinaka-pinag-usapang world-class song and dance numbers mula sa pinakamahuhusay na performers at singers ng bansa. Nagsilbi rin ang ASAP bilang launching pad ng maraming bituin na ngayon ay itinuturing na icons ng industriya. Hindi rin nag-atubili ang programa na dalhin ang palabas sa iba’t ibang panig ng mundo, patunay ng global appeal ng Kapamilya talents.

Patuloy ding nakisabay ang ASAP sa pagbabago ng panahon—pinapaganda ang produksyon, pinapalawak ang repertoire ng performances, at inaangkop ang konsepto upang mas tumugon sa panlasa ng bagong henerasyon ng manonood.

Sa kasalukuyan, nananatiling matatag ang ASAP bilang nag-iisang all-out Sunday afternoon party ng bansa. Sa kabila ng anumang itapat na programa, hindi natitinag ang sobrang okay at solid na suporta ng mga Kapamilya viewers. Makalipas ang 31 taon, patuloy nitong pinasasaya ang sambayanan—hitik sa all-stars, punô ng musika at sayawan, at nananatiling bahagi ng lingguhang tradisyon ng pamilyang Pilipino.

No comments:

Post a Comment