ASAP XP pinalalaki umano nila ang viewing experience ng programa, lalo na’t tampok dito ang sold-out concert performances sa Smart Araneta Coliseum




Marami pa ring Kapamilya viewers ang nagtatanong at naglalabas ng kani-kanilang reaksiyon matapos inanunsyo ng ABS-CBN ang malaking pagbabago sa longest-running musical variety show na ASAP. Simula Mayo 17, tatawagin na itong “ASAP XP” at mapapanood na sa bago nitong timeslot na 5:30 PM tuwing Linggo, kapalit ng nakasanayang tanghaling oras na ilang dekada nang naging bahagi ng Sunday lunch tradition ng maraming Pilipino.


Ayon sa inilabas na pahayag ng network, layunin umano nilang mas palawakin at pagandahin ang viewing experience ng programa, lalo na’t tampok dito ang sold-out concert performances sa Smart Araneta Coliseum. Inilarawan pa ito bilang “the biggest & brightest Filipino concert XPerience on Primetime,” dahilan upang mas marami ang maniwalang target ng show ang mas malawak at mas batang audience.

Gayunpaman, hindi naiwasan ang iba’t ibang usap-usapan online. May ilang netizens na naghinalang posibleng naapektuhan umano ang ratings ng programa kaya kinailangang ilipat ang oras nito. “Ligwak sa ratings kaya bagong timeslot, pag di gumana goodbye na,” saad ng isang netizen. May ilan din namang nalungkot dahil nasanay na silang manood ng ASAP habang nanananghalian tuwing Linggo, bagay na naging bahagi na ng bonding moments ng maraming pamilya sa loob ng mahabang panahon.

Sa kabila ng mga haka-haka, marami rin ang nagpahayag ng suporta sa bagong direksiyon ng programa. Para sa ilan, mas magandang hakbang umano ang paglipat nito sa hapon o primetime dahil mas marami nang tao ang nasa bahay sa ganitong oras. Posible rin umano itong magbigay ng mas mataas na ad revenues at mas malawak na reach sa iba’t ibang platforms tulad ng ALLTV, A2Z Channel 11, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, at iWantTFC.

May ilang loyal viewers din na nagmungkahi na sana’y manatili pa rin ang dating 12 PM airing kahit replay lamang upang hindi mabigla ang matagal nang sumusubaybay sa programa. Samantala, marami rin ang excited makita kung paano magbabago at mag-e-evolve ang ASAP XP, lalo na’t tila mas concert-style at mas modernized na ang magiging atake nito sa mga susunod na linggo.

No comments:

Post a Comment