Patuloy na pinatitibay ng TV5 Network Inc. at VIVA Entertainment ang kanilang kolaborasyon sa paglulunsad ng dalawang bagong serye na mapapanood sa Kapatid Network ngayong 2026. Ang hakbang na ito ay bahagi ng mas agresibong pagpapalakas ng original content ng TV5 sa telebisyon at digital platforms.
Muling magbabalik para sa ikalawang season ang hit online series ng Studio VIVA na Ang Mutya ng Section E: The Dark Side. Tampok dito ang patok na love team nina Andres Muhlach at Ashtine Olviga, o mas kilala bilang AshDres, kasama si Rabin Angeles. Sa direksyon ng award-winning filmmaker na si Petersen Vargas, inaasahang mas magiging emosyonal at mas malalim ang takbo ng kuwento sa bagong season, na ipapalabas sa weekday primetime block ng TV5.
Samantala, isa pang serye ang nakatakdang magbigay ng kakaibang timpla sa weekend programming ng Kapatid Network—ang Project Loki, isang produksyon ng Studio VIVA at MQuest Ventures. Hango ito sa Wattpad novel na isinulat ni AkoSiIbarra at sumusunod sa kuwento ni Loki Mendez, isang matalino at misteryosong estudyante sa Clark University. Kasama ang transferee na si Lorelei Rios at ang kanyang mga kaklase—kabilang ang kanyang nakatatandang kapatid na si Luthor—unti-unti nilang nabubunyag ang mga palaisipan at mapanganib na lihim na bumabalot sa elite QED Club.
Bukod sa free TV airing, mapapanood din ang dalawang serye sa VIVA One app, habang ang Project Loki ay magiging available rin sa Cignal Play simula ngayong Pebrero.
Ang mga bagong proyektong ito ay malinaw na indikasyon ng mas pinaigting na content strategy ng TV5 kasunod ng pag-alis ng ABS-CBN Studios sa network, habang patuloy nitong hinuhubog ang sariling identidad sa larangan ng de-kalidad at makabagong lokal na produksyon.
No comments:
Post a Comment