Inanunsyo ng ABS-CBN Corporation na pumirma na ito ng kasunduan sa Ayala Land Corporation (ALI) para sa pagbebenta ng bahagi ng kanilang ari-arian sa Quezon City.
Batay sa inilabas na disclosure sa stock exchange, nilagdaan ng dalawang kumpanya ang isang Memorandum of Agreement (MOA) para sa bentahan ng humigit-kumulang 30,000 square meters mula sa kabuuang 44,027.30 square meters na pagmamay-ari ng ABS-CBN. Ang transaksyon ay nagkakahalaga ng ₱6.2 bilyon.
Ang ABS-CBN headquarters ay kinabibilangan ng mahahalagang pasilidad tulad ng news department, mga radio booths na ginagamit ng Radyo 630 at TeleRadyo Serbisyo, ang makasaysayang Studio 1 o Dolphy Theater, at iba pang studios at production facilities, kabilang ang ginagamit ng It's Showtime.
Sa ilalim ng kasunduan, pag-iisahin ng Kapamilya Network ang kanilang mga opisina at studios sa natitirang 1.4 ektaryang bahagi ng compound. Ang bayad sa bentahan ay gagawin sa installment basis, at ang malilikom na pondo ay gagamitin para sa partial payment ng mga loan ng kumpanya.
Nilinaw din ng ABS-CBN na ang kasunduan ay nakadepende pa sa ilang kundisyon, kabilang ang pagkuha ng clearance mula sa Philippine Competition Commission, kung kinakailangan.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng patuloy na restructuring efforts ng kumpanya habang patuloy nitong pinapalakas ang operasyon sa digital at content production platforms.
No comments:
Post a Comment