Bagama’t nagkaroon lamang ng isang proyekto si Maja Salvador sa ABS-CBN, malinaw na mas pinili niyang manatili sa Kapatid Network–TV5, kung saan aniya’y lubos siyang napamahal at hindi niya iiwanan basta-basta.
Mananatili si Maja bilang isa sa mga pangunahing artista ng TV5 at kabilang siya sa isa sa pinakamalalaking proyekto ng MediaQuest at M-Zet Productions—ang fantaseryeng “The Kingdom,” ang TV series adaptation ng pelikulang pinagbidahan ni Vic Sotto.
Matatandaang noong kasagsagan ng pandemya at matapos mawalan ng prangkisa ang ABS-CBN, isa si Maja sa mga artistang naapektuhan at nawalan ng mga proyekto. Agad siyang tinanggap ng TV5, na kinilala ang kanyang talento, husay, at propesyonalismo—hindi lamang sa harap ng kamera kundi maging sa likod nito.
Mula noon, sunod-sunod ang naging proyekto ni Maja sa Kapatid Network, kabilang ang Emojination, Sunday Noontime Live, Nina NiƱo, Oh My Korona, at iba’t ibang guest appearances sa mga programa ng TV5.
Dahil sa tuloy-tuloy na suporta at pag-aaruga ng MediaQuest at TV5, hindi nawalan ng trabaho si Maja—isang dahilan kung bakit lalo siyang napamahal sa network at piniling manatili rito.
Sa kanyang pinakabagong proyekto, makakasama niya ang ilan sa pinakamalalaking pangalan sa industriya tulad nina Cristine Reyes, Ryza Cenon, Derek Ramsay, Piolo Pascual, at Vic Sotto, kasama pa ang mga bagong mukha sa telebisyon at pelikula.
Sa mga bagong proyektong ito, malinaw na handa na ang TV5 sa panibagong yugto ng pagiging isang ganap at independent network matapos ang pagtatapos ng ugnayan nito sa ABS-CBN.
No comments:
Post a Comment