Ngayong mas pinagtitibay na ng TV5 ang pagtayo nito bilang isang independent network at aktibong magpoprodyus ng sarili nitong mga de-kalibreng programa, mahalaga ang pagkakaroon ng isang bihasang mentor na gagabay sa kanilang lumalawak na hanay ng mga artista.
Ito ay natupad sa pagpasok ni Mr. Johnny Manahan, mas kilala bilang Mr. M, bilang pinuno ng MediaQuest Artist Agency (MQAA). Pormal siyang pumirma ng kontrata noong Nobyembre, at agad na naging sentro ng atensyon ang kanyang paglipat sa Kapatid network.
Kilala si Mr. M bilang isang haligi ng industriya at isang respetadong star builder—kaya naman hindi na ikinagulat ng marami na sinusundan siya ng mga artistang dati na niyang nahawakan at hinubog.
Dahil dito, umano ay may ilang Star Magic talents na nagpapakita ng interes na lumipat sa TV5 upang muling makatrabaho si Mr. Johnny Manahan. Batid umano ng mga artistang ito na sa ilalim ng kanyang pamumuno, mas malaki ang tsansang mabigyan sila ng makabuluhan at malalaking proyekto, lalo na’t marami pang nilalaman ang planong iprodyus ng TV5 at ng MediaQuest.
Hindi rin matatawaran ang lawak ng platforms ng MediaQuest, na suportado ng MVP Group of Companies—isang matatag at progresibong organisasyon. Dahil dito, naniniwala ang ilan na ang paglipat sa ilalim ng MQAA ay isang hakbang patungo sa mas malinaw at mas matatag na direksyon ng kanilang mga karera.
Sa katunayan, marami na ring dating Star Magic artists ang mas piniling tumanggap ng mga proyekto sa MediaQuest at TV5, dala ng paniniwalang mas may puwang dito ang kanilang pag-unlad at mas maayos na paghubog ng kanilang talento.
Bilang beterano sa mundo ng telebisyon, pelikula, at broadcasting, kabisado ni Mr. M ang pasikot-sikot ng industriya—kaya’t masasabi ngang nasa tamang mga kamay ang mga artistang kasalukuyang nasa ilalim ng MQAA.
At ayon sa mga usap-usap, hindi raw dito nagtatapos ang mga paglipat, dahil may ilan pang artistang umano’y susunod pa sa darating na panahon.
Tunay ngang maraming magagandang kaganapan ang inaabangan sa Kapatid network—mga pagbabagong tiyak na ikagugulat ng marami.
Expect the unexpected, dahil minsan, ang bawat pamamaalam ay simula ng mas maganda at mas makulay na yugto.
“Goodbyes are meant to be beautiful.”
No comments:
Post a Comment