Matapos ang matagal na pananahimik, humarap na rin si Gerald Anderson sa mga usap-usapan tungkol sa kanyang hiwalayan kay Julia Barretto.
Sa isang pag-uusap sa telepono kasama ang talent manager at content creator na si Ogie Diaz, inamin ng aktor na siya mismo ang may kasalanan kung bakit nauwi sa pagtatapos ang kanilang relasyon.
Kinumpirma ng dalawa ang kanilang paghihiwalay kamakailan sa pamamagitan ng kani-kanilang mga ahensya, ngunit hindi nagbigay ng anumang detalye sa publiko.
“Sinabi ni Gerald na iba ang dahilan at inako rin niya na siya ang may kasalanan ng breakup nila ni Julia pero hindi na ito idinetalye pa,” pahayag ni Ogie sa kanyang programang Showbiz Updates.
“Durog na durog na umano siya sa mga batikos at hiling niyang matigil na ito,” dagdag pa ng talent manager.
Isa sa mga pinakakumakalat na tsismis ay ang pagkakadawit umano ng professional volleyball player na si Vanessa “Vanie” Gandler sa hiwalayan ng dalawa. Nilinaw ni Gerald na walang katotohanan ang mga balitang ito.
Ayon kay Ogie Diaz, personal siyang tinawagan ni Gerald upang tuldukan ang mga espekulasyon.
“Una na d’yan ang kaniyang paglilinaw na hindi si Vanie Gandler ang dahilan. Matagal na raw itong Vanie Gandler issue pero ito’y wala raw katotohanan talaga,” ani Ogie.
Dagdag pa ni Ogie, hindi raw kilala ni Gerald si Vanie nang personal at wala silang komunikasyon — hindi nagkakausap, nagkaka-text, o nagkakatawagan. Sinabi pa ni Gerald na nanonood lamang siya ng volleyball paminsan-minsan ngunit hindi para tutukan si Vanie.
“Tumawag lang daw siya para sabihing walang kinalaman ang volleyball player. Durog na durog na siya sa mga naglalabasang bashings sa kaniya kaya sana raw ay matigil na ang issue,” ayon pa kay Ogie.
Naging malapit sina Gerald at Julia noong magtambal sila sa pelikulang Between Maybes noong 2019. Dito nagsimula ang kanilang pag-iibigan na naging usap-usapan sa showbiz dahil sa kontrobersiya — kabilang ang mga tsismis na si Julia raw ang naging dahilan ng hiwalayan nina Gerald at dating kasintahan na si Bea Alonzo.
Matapos ang ilang taon ng pagiging pribado tungkol sa kanilang relasyon, unti-unti ring naging open sina Gerald at Julia sa publiko. Nakikita silang magkasama sa iba’t ibang okasyon at minsan ay nagbabahagi rin ng mga larawan sa social media.
Gayunpaman, nanatili silang tahimik sa mga personal na isyu at mas pinili ang pribadong buhay hanggang sa kumalat ang balitang naghiwalay na sila ngayong 2025.
Bagama’t inamin ni Gerald na may pagkukulang siya, pinili pa rin niyang huwag isapubliko ang eksaktong dahilan ng kanilang paghihiwalay. Ayon kay Ogie, labis nang naapektuhan ang aktor sa mga patuloy na pambabatikos at umaasa siyang matapos na ang mga maling akusasyon at haka-haka.
Pinili ni Gerald Anderson na manahimik at igalang ang pribadong dahilan sa likod ng kanilang paghihiwalay ni Julia Barretto. Sa kabila ng mga tsismis at matinding batikos, malinaw na nais lamang ng aktor na tapusin ang mga maling haka-haka at hayaang makapag-move on silang pareho.
No comments:
Post a Comment