VP Sara Duterte, maingat na reaksyon sa pagkakasibak kay Torre: “Diyos lang ang nakakaalam”
Nagbigay ng pahayag si Pangalawang Pangulo Sara Duterte matapos masibak si Police General Nicolas Torre III bilang hepe ng PNP.
Ayon kay Sara, hindi niya masasabing “karma” ang nangyari, dahil tanging Diyos lang daw ang tunay na nakakaalam ng nararapat para sa isang tao.
“Diyos lang naman talaga ang makakapagsabi kung ano ang nararapat para sa isang tao… Hindi ko kasi masabi kung karma ba ‘yun o hindi eh. Minsan nasa itaas ka, pero makalipas lang ng 85 na araw, nasa ibaba ka na,” ani ng Bise Presidente.
Matatandaang si Torre ang nanguna sa operasyon ng pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at hindi rin agad pinayagang makalapit si VP Sara noon sa kanyang ama bago ito mailipat sa kustodiya ng ICC.
Bukod dito, nasangkot din si Torre sa kontrobersyal na operasyon laban kay Pastor Apollo Quiboloy, kaalyado ng pamilyang Duterte, na nahaharap sa kasong human trafficking at pang-aabuso.
Sa kabila ng mga isyung ito, hindi tuwirang kinondena o ipinagtanggol ni VP Sara si Torre. Sa halip, binigyang-diin niya ang katotohanang walang permanenteng kapangyarihan o posisyon, at ang hustisya ay laging nasa kamay ng Diyos.
Sa ngayon, wala pang anunsyo kung sino ang papalit kay Torre bilang bagong PNP chief, ngunit nananatiling mainit ang usapan dahil sa malalim na koneksyon nito sa pamilya Duterte at kanilang mga kaalyado.
No comments:
Post a Comment