Solon Questions ABS-CBN–ALLTV2 Deal, Seeks House Probe on Broadcast Agreements



Nagbigay ng matinding puna si Presley De Jesus laban sa kasunduan sa pagitan ng ABS-CBN Corporation at Advanced Media Broadcasting System (AMBS), na pagmamay-ari ng negosyanteng si Manny Villar.


Sa kanyang privilege speech noong Mayo 4, kinuwestiyon ng mambabatas ang brand licensing agreement na nagbigay-daan upang maipalabas ang ABS-CBN programs sa ALLTV2—ang estasyong kasalukuyang gumagamit ng dating Channel 2 frequency ng Kapamilya network.

Ayon kay De Jesus, tila umano nagiging “backdoor strategy” ito para muling makabalik ang ABS-CBN sa free-to-air television nang walang sariling legislative franchise.

“When a single entity supplies nearly all the programming, defines the identity of a free channel and effectively dictates what the public sees and hears, it is no longer just buying airtime, it is operating as a broadcaster, everything but name,” ani De Jesus sa kanyang talumpati.

Kasabay ng paggunita sa ika-anim na anibersaryo ng shutdown ng ABS-CBN, muling nabuksan ang usapin tungkol sa prangkisa ng network at sa legalidad ng mga kasalukuyan nitong blocktime at content partnerships.

Iginiit ng mambabatas na dapat umanong siyasatin ng Kamara kung nalalabag ba ng setup ang kapangyarihan ng Kongreso na magbigay ng legislative franchise sa mga broadcasting companies.

“Are we now to accept a situation where Congress can deny a franchise only for the same entity to return through a back door?” dagdag pa niya.

Ayon pa sa kanya, may mga ulat na halos buong programming lineup ng ALLTV2 ay pinangangasiwaan na umano ng ABS-CBN sa ilalim ng “ABS-CBN sa ALLTV2” branding. Dahil dito, sinabi niyang tila nawawala ang malinaw na pagkakaiba sa pagitan ng pagiging content provider at pagiging broadcaster.

Bukod dito, binanggit din ni De Jesus ang umano’y isyu sa labor practices at maging ang citizenship concerns ng ilang board members ng ABS-CBN—mga isyung naging bahagi rin ng franchise hearings noon.

Hiniling ngayon ng mambabatas ang pormal na imbestigasyon ng House of Representatives hindi lamang sa partnership ng ABS-CBN at AMBS kundi maging sa iba pang content agreements ng network sa ZOE Broadcasting Network para sa A2Z at GMA Network.

Sa ilalim ng kasalukuyang kasunduan sa AMBS, pinapayagan ang ABS-CBN na mag-fill ng malaking bahagi ng broadcast hours ng ALLTV2 gamit ang kanilang entertainment at news content kapalit ng programming fees mula sa Villar-owned media company.

Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag ang ABS-CBN Corporation kaugnay ng mga naging pahayag ng mambabatas.

No comments:

Post a Comment