2 Mambabatas, Nanawagan ng Imbestigasyon sa Mga Kasunduan at Labor Issues ng ABS-CBN



MANILA — Dalawang mambabatas ang nanawagan ng magkahiwalay na imbestigasyon kaugnay sa mga kasunduan at labor-related concerns na kinasasangkutan ng ABS-CBN.


Sa pagbubukas ng sesyon ng Kamara noong Lunes ng gabi, hiniling ni Presley De Jesus ng PHILRECA Party-list ang agarang pagsisiyasat ng Kongreso hinggil sa mga blocktime at broadcast agreements ng ABS-CBN at ilang partner stations. Ayon sa kanya, dapat umanong suriin kung ang mga kasunduang ito ay naaayon sa mga probisyon ng Konstitusyon kaugnay ng prangkisa at regulasyon sa broadcast industry.

Sa kanyang privilege speech, sinabi ni De Jesus na posibleng ginagamit umano ang ilang kasunduan bilang “technical compliance” na maaaring taliwas sa layunin ng batas hinggil sa pagbibigay ng prangkisa ng Kongreso.

Samantala, nanawagan naman si Eli San Fernando ng hiwalay na imbestigasyon kaugnay sa mga umano’y posibleng paglabag sa Labor Code. Hindi naman nito agad tinukoy ang partikular na detalye ng mga alegasyon ngunit iginiit na mahalagang maprotektahan ang kapakanan ng mga manggagawa sa industriya.

Nagkataon namang ginawa ang mga panawagang ito isang araw bago ang ika-6 na anibersaryo ng shutdown ng ABS-CBN noong Mayo 5, 2020. Noong panahong iyon, tumigil ang network sa terrestrial broadcast operations matapos maglabas ng cease-and-desist order ang National Telecommunications Commission dahil sa pag-expire ng prangkisa nito.

Matapos hindi maaprubahan ang bagong prangkisa noong Hulyo 10, 2020, naapektuhan ang operasyon ng network at nagresulta ito sa retrenchment ng libo-libong empleyado sa gitna ng pandemya ng COVID-19.

Sa kabila nito, ipinagpatuloy ng ABS-CBN ang distribusyon ng mga programa nito sa pamamagitan ng blocktime at content partnership agreements sa iba’t ibang network at broadcast companies.

Matagal nang bahagi ng industriya ng broadcast media sa Pilipinas ang tinatawag na blocktime agreements, kung saan bumibili ng oras sa telebisyon o radyo ang mga independent producers, advertisers, content creators, o iba pang grupo upang maipalabas ang kanilang sariling programa. Sa ganitong setup, ang producer o blocktimer ang responsable sa produksyon ng content at paghahanap ng advertisers.

Kabilang sa mga naging partner ng ABS-CBN ang Zoe Broadcasting Network para sa A2Z Channel 11 at GMA Network para sa ilang programa gaya ng “It’s Showtime.”

Nagtapos naman noong huling bahagi ng 2025 ang limang taong content partnership ng ABS-CBN at TV5 na nilagdaan noong 2023.

Pagkatapos nito, pumasok ang ABS-CBN sa isang content licensing agreement sa Advanced Media Broadcasting System upang maipalabas ang ilan sa mga Kapamilya programs sa ALLTV2.

No comments:

Post a Comment