Mas pinili ng TV5 Network Inc. na palakasin ang ugnayan nito sa VIVA Entertainment sa halip na ipagpatuloy ang pakikipag-partner sa ABS-CBN. Bilang patunay, inanunsyo ng TV5 at VIVA ang pagpapalabas ng dalawang bagong programa sa Kapatid Network ngayong 2026, bilang bahagi ng mas pinalakas na content strategy ng istasyon.
Babalik para sa ikalawang season ang patok na online series ng Studio VIVA na Ang Mutya ng Section E: The Dark Side. Tampok dito ang rising love team na sina Andres Muhlach at Ashtine Olviga o mas kilala bilang AshDres, kasama si Rabin Angeles. Sa direksyon ng award-winning director na si Petersen Vargas, inaasahang mas magiging emosyonal at mas lalalim ang takbo ng kuwento sa bagong season na ipapalabas sa weekday primetime block ng TV5.
Samantala, ilulunsad din ang seryeng Project Loki, isang adaptasyon ng Wattpad novel na isinulat ni AkoSiIbarra. Ito ay co-produced ng Studio VIVA at MQuest Ventures. Susundan ng kuwento si Loki Mendez, isang matalino at misteryosong estudyante sa Clark University, na kasama ang transferee na si Lorelei Rios at ang kanilang barkada—kabilang ang nakatatandang kapatid niyang si Luthor—ay unti-unting nagbubunyag ng mga lihim at mapanganib na palaisipan sa loob ng elite QED Club. Ang serye ay nakatakdang ipalabas tuwing weekend.
Mapapanood ang parehong programa sa VIVA One, habang ang Project Loki ay magiging available din sa Cignal Play simula ngayong Pebrero. Layunin ng mga bagong proyektong ito na palakasin ang entertainment lineup ng TV5 kasunod ng pag-alis ng ABS-CBN Studios sa network, at maglatag ng bagong direksyon para sa Kapatid Network sa darating na taon.
No comments:
Post a Comment