Magandang panimula ng bagong taon ang tinatamasa ng Kapatid Network matapos makuha ang buong suporta at tiwala ng mga advertisers para sa mga bago at makabagong programang ihahandog nito.
Kung pagbabasehan ang kasabihang “2, 3, 4, 5,” tila pataas ang direksyon ng TV5—isang magandang senyales ng paglago at tagumpay. Ayon sa mga industry insiders, patuloy na tumitibay ang suporta ng advertisers dahil sa malinaw at makabagong direksyon ng network.
Mahalaga ang matibay na backing ng advertisers sa tagal at tagumpay ng isang programa. Sa isinagawang trade launch ng TV5 noong nakaraang buwan, ipinakita ng Kapatid Network ang kanilang mga bagong handog na agad namang pumukaw sa interes ng mga advertisers.
Napansin ng advertisers ang bagong konsepto, balanseng content, at variety ng mga programa ng TV5, gayundin ang mga aral at positibong mensaheng maibibigay nito sa mga manonood. Dahil dito, marami ang agad pumirma at naglabas ng telecast orders sa mismong gabing iyon upang mailapat ang kanilang mga produkto sa primetime programs ng network.
Ikinalugod din ng advertisers ang direksyon ng TV5 sa sariling produksyon ng mga programa, pati na ang pagkakaroon ng sariling talent management agency, na lalong nagpapalakas sa brand at identidad ng network.
Bilang bahagi ng matitinding handog, ihahain ng TV5 ang pelikulang “Gomburza” sa Primetime Primera, kasunod ng hit premium action series na “Totoy Bato.” Dagdag pa rito ang inaabangang pagpasok ng game show na “Wilyonaryo” ni Willie Revillame, na inaasahang magbibigay ng bagong kulay sa primetime viewing.
Naniniwala ang advertisers na panahon na upang baguhin ang landscape ng primetime television—hindi lamang puro drama, kabitan, o barilan, at hindi rin nakaasa sa pa-cute o pa-tweetums na format. Ayon sa kanila, kailangan ng mga Pilipino ng pag-asa, saya, at aliw sa gabi, lalo na sa gitna ng mga hamon ng bansa.
Sa kabuuan, itinuturing ang TV5 bilang isang matapang na game changer, dala ang mga makabago at sariwang konseptong magpapainit sa kompetisyon sa telebisyon ngayong 2026.
No comments:
Post a Comment