iWantTFC ang GMA Pinoy TV, GMA Life TV, at GMA News TV

 





Pormal nang nagsanib-puwersa ang dating magkaribal na ABS-CBN Corporation at GMA Network Inc. matapos nilang lagdaan ang isang makasaysayang kasunduan para sa pagpapalabas ng piling GMA programs sa international streaming platform ng ABS-CBN na iWantTFC.


Simula Mayo 1, opisyal nang iho-host ng iWantTFC ang GMA Pinoy TV, GMA Life TV, at GMA News TV, isang hakbang na itinuturing na panibagong milestone sa ugnayan ng dalawang higanteng network na minsang mahigpit na nagbanggaan sa free TV.

Ayon sa ABS-CBN, bukod sa live channels ay mapapanood din sa iWantTFC ang ilang on-demand programs ng GMA sa hindi bababa sa limang rehiyon sa buong mundo. Sa ilalim ng kolaborasyon, ipapalabas ang mga international channels ng GMA sa Asia at Pacific, kabilang ang Australia, India, Japan, New Zealand, at South Korea.

Saklaw din ng partnership ang ilang bansa sa Europa gaya ng France, Germany, Italy, at United Kingdom, gayundin ang Middle East tulad ng Afghanistan, Cyprus, Iraq, Israel, Libya, Palestine, Turkey, at Yemen. Mapapanood din ang GMA content sa North Africa, kabilang ang Algeria, Chad, Djibouti, Malta, Mauritania, Morocco, Somalia, at Tunisia, pati na rin sa ilang Caribbean territories kung saan may presensya ang iWantTFC.

Sa pamamagitan ng kasunduang ito, mas mapapalawak ng GMA ang global reach ng ilan sa mga pinakapopular nitong palabas tulad ng Maria Clara at Ibarra, Abot Kamay na Pangarap, at Apoy sa Langit sa Asia-Pacific, Europe, Middle East, North Africa, at Caribbean.

Ayon kay Jun del Rosario, malaking benepisyo ang hatid ng partnership para sa mga Pilipinong nasa ibang bansa.

“Our iWantTFC platform is committed to providing the widest spectrum of Filipino content that can be appreciated and enjoyed by countrymen worldwide. We are delighted to add a slate of live streaming channels and popular shows from GMA to our ever-growing news and entertainment offerings,” pahayag niya.

Samantala, sinabi naman ni Joseph Francia, First Vice President at Head of International Operations ng GMA, na bukas ang network sa anumang kolaborasyon—even sa dating kakumpitensya—hangga’t layunin nitong maabot ang mas maraming Pilipino sa loob at labas ng bansa sa pamamagitan ng iba’t ibang platform.

Matatandaang matinding magkaribal ang ABS-CBN at GMA sa free TV hanggang sa tanggihan ng Kongreso ang franchise renewal ng ABS-CBN noong 2020. Mula noon, mas pinaigting ng Kapamilya Network ang digital strategy nito at pinalawak ang global presence sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga international platforms tulad ng Netflix, Spotify, Viu, at Warner Music Group.

Sa kasalukuyan, ang partnership na ito ay malinaw na patunay ng pagbabago sa landscape ng Philippine media—mula sa matinding kompetisyon patungo sa kolaborasyon para sa mas malawak na abot ng Filipino content sa buong mundo.

No comments:

Post a Comment