Habang papalapit ang pagtatapos ng taon, kapansin-pansin na wala pang malinaw na pahayag kung iri-renew ng GMA Network ang kasalukuyang noontime show nitong It’s Showtime.
Ayon sa ilang ulat, pinag-aaralan umano ng GMA Network ang posibilidad ng pagbuo ng isang sariling network-produced noontime show na maaaring pumalit sa kasalukuyang programa sa kanilang tanghaliang slot.
Kung sakali, hindi ito kataka-taka. May kakayahan ang GMA na magprodyus ng sariling noontime show at hindi na umasa sa isang external production, lalo’t may sapat silang creative resources at mga taong maaring pagkatiwalaan para rito.
Isa rin sa mga binabanggit na dahilan ay ang matamlay umanong single-channel ratings ng It’s Showtime, na nasa humigit-kumulang 3.7 rating points lamang. Bagama’t tumataas ito sa aggregated ratings, mas binibigyang-halaga umano ng GMA ang single-channel performance, lalo’t sila ang may pinakamalawak na reach sa bansa.
Kung ikukumpara, noong nasa GMA pa ang Eat Bulaga! kasama ang orihinal na hosts at unang producer, bihira raw bumaba sa 5.0 rating points ang single-channel ratings nito—malayong-malayo sa kasalukuyang bilang.
Kamakailan, iniulat din sa Tele News na malakas umano ngayon ang Eat Bulaga! ng TV5, partikular sa Visayas at Mindanao, at madalas na rin nitong nakukuha ang panalo sa Luzon at Mega Manila.
Samantala, kahit pa magdagdag ng mga bagong segment ang It’s Showtime, tila hindi pa rin umano nito ganap na nahahatak ang pananghalian na audience.
May mga balita rin na magkakaroon ng major revamp ang Sunday variety show ng GMA, ngunit nilinaw na hindi umano nila ilalabas sa ere ang ASAP Natin ’To—salungat sa matagal nang haka-haka ng ilang Kapamilya fans.
Sa kabuuan, lumalabas na posibleng palakasin ng GMA Network ang kanilang noontime grid sa pamamagitan ng pagbuo ng sariling noontime program, gaya ng ginawa ng TV5 katuwang ang TVJ Productions sa Eat Bulaga!—isang hakbang patungo sa mas matatag at independent na programming strategy.
No comments:
Post a Comment