Isang patunay ng walang hanggang pag-asa at determinasyon ang kuwento ni Diosdado “Tatay Ebang” Evangelista, isang senior citizen na sa kabila ng kanyang edad ay tinupad ang matagal nang pangarap na makapagtapos ng kolehiyo.
Matapos munang unahin ang edukasyon ng kanyang apat na anak, nagbalik-eskuwela si Tatay Ebang sa edad na 65. Sa edad na 69, matagumpay siyang nakapagtapos ng kolehiyo, at hindi pa roon nagtapos ang kanyang tagumpay—naging licensed agriculturist siya matapos maipasa ang Agriculturist Licensure Examination sa kanyang ikalawang pagtatangka sa edad na 72.
Dahil sa matinding pagmamahal sa pamilya, isinantabi ni Tatay Ebang ang sariling pangarap, subalit hindi niya ito tuluyang binitiwan. Ayon sa Facebook page ng Cenphilian Candoni, ang opisyal na publikasyon ng Central Philippines State University (CPSU) – Candoni Campus, isinilang siya sa Hinigaran, Negros Occidental noong Setyembre 18, 1953. Sa edad na anim, lumipat ang kanyang pamilya sa Candoni, kung saan nahubog ang kanyang pagkatao at pananaw sa buhay.
Nagtapos siya ng elementarya sa Candoni Central Elementary School noong 1966 at ng sekondarya sa Our Lady of Lourdes High School Inc. noong 1972. Dahil sa kakulangan ng oportunidad noon, hindi siya agad nakapasok sa kolehiyo at sa halip ay kumuha ng two-year vocational course sa Auto Diesel Mechanic sa Justiniani Motor Institute.
Noong 1974, pinakasalan niya si Ofelia Garcia, at biniyayaan sila ng apat na anak. Bilang haligi ng tahanan, nagsikap si Tatay Ebang na maghanapbuhay—mula sa pagiging security guard sa isang mining company sa Sipalay hanggang sa pagpasok sa pagsasaka, na kalaunan ay naging kanyang pangunahing kabuhayan.
Sa pamamagitan ng sipag at tiyaga, napagtapos niya ng kolehiyo ang lahat ng kanyang anak, na ngayon ay pawang mga propesyonal na. Sa kabila ng pagpanaw ng kanyang maybahay, nagpatuloy si Tatay Ebang sa buhay na may matibay na loob at panibagong layunin.
Pagkalipas ng mahigit apat na dekada mula nang huminto sa pag-aaral, nagpasya siyang tuparin ang pangarap para sa sarili. Ang kanyang pagbabalik sa paaralan ay nagsilbing inspirasyon hindi lamang sa kanyang pamilya kundi pati sa buong komunidad.
Ang kuwento ni Tatay Ebang ay isang malinaw na paalala na walang edad ang edukasyon at pangarap, at na ang tunay na tagumpay ay dumarating sa mga hindi sumusuko.
No comments:
Post a Comment