Dennis Padilla, mas nais na muling tumakbong senador si Robin Padilla kaysa maging pangulo o bise presidente



Mas gusto ng veteran actor-comedian na si Dennis Padilla na muling tumakbong senador ang kanyang matalik na kaibigan na si Sen. Robin Padilla kaysa sumabak sa mas mataas na posisyon sa 2028 national elections.

Ayon kay Dennis, mas marami pang makabuluhang batas ang maaaring maipasa ng action star kung mananatili ito sa Senado, kung saan aniya ay napatunayan na nito ang kakayahan sa paggawa ng mga batas.

Sa panayam ng BANDERA kasama ang ilang piling miyembro ng entertainment media, natanong si Dennis tungkol sa mga usap-usapang maaaring tumakbong bise presidente si Robin sa 2028 bilang posibleng ka-tandem ni Vice President Sara Duterte. May mga nagsasabi rin na maaari ring kumandidato ang senador sa pagkapangulo.

Nang tanungin kung suportado niya ang naturang posibilidad, diretsahang sumagot si Dennis.

“No, no, no. I want him to run as senator again. Kasi, number one, magaling na siya sa paggawa ng batas. Magaling na siya sa legislative work. So, perfect na lang 'yun,” ani Dennis.

Dagdag pa niya, mas praktikal din umano ang muling pagtakbo sa Senado.

“Tsaka less challenges kapag senatorial. Less challenges, less gastos.”

Ipinagmalaki rin ng komedyante ang patuloy na magandang performance ni Robin sa mga opinion survey.

“Pero sa survey, kahit na today ang election, number one pa rin si Robin Padilla,” saad niya.

Sa ilang pinakahuling election preference surveys, kabilang si Sen. Robin Padilla sa mga nangungunang pagpipilian ng mga botante para sa pagka-senador sa susunod na halalan.

No comments:

Post a Comment