Sa panahon ng internet at social media, napakabilis kumalat ng impormasyon—totoo man o hindi. Kaya’t kapansin-pansin kapag maging ang isang kilalang personalidad at mambabatas tulad ni Robin Padilla ay nalilinlang ng isang matagal nang umiikot na online na panlilinlang.
Noong Abril 2, naging usap-usapan ang pagbabahagi ng senador ng isang mahabang Facebook post na matagal nang kilala ng marami at paulit-ulit na lumalabas sa internet.
Ayon sa nasabing post, isa na raw “public entity” ang Facebook, kaya kinakailangang i-copy at i-paste ang isang partikular na status upang maprotektahan ang sariling account at maiwasan ang paggamit ng Meta sa personal na larawan, mensahe, at impormasyon ng mga user.
Narito ang nilalaman ng chain message:
“Facebook Meta is now a public entity. Every member must post a note like this. If you do not publish a statement at least once, it will be technically understood that you are allowing the use of your photos, as well as the information contained in your profile status updates.
“I HEREBY DECLARE THAT I DO NOT GIVE MY PERMISSION FOR FACEBOOK OR META TO USE ANY OF MY PERSONAL DATA.
“Hold your finger anywhere in this message and ‘copy’ will appear. Click ‘copy’. Then go to your page, create a new post, and place your finger anywhere in the empty field. ‘Paste’ will appear, and click paste.”
Gayunpaman, walang basehan ang ganitong pahayag. Matagal na itong pinasinungalingan ng mga fact-checkers sa iba’t ibang panig ng mundo at patuloy lamang na umiikot online mula pa noong mga nakaraang taon.
Sa realidad, ang paggamit ng personal data sa Facebook ay malinaw na nakasaad sa Terms of Service at Data Policy na sinang-ayunan ng bawat user noong sila ay nag-register. Hindi ito maaaring baguhin o mapawalang-bisa ng simpleng pagpo-post ng status.
Dahil sa insidenteng ito, marami ang nagulat at napa-react. Para sa ilan, nakakadismaya na ang isang senador—na inaasahang masusing magsuri ng impormasyon—ay madaling naniwala sa isang lumang chain message.
Sa kasalukuyang panahon, ang paniniwala sa maling impormasyon nang walang sapat na beripikasyon ay maaaring magdulot ng maling pananaw at makasira sa kredibilidad ng sinuman.
Ang pangyayaring ito ay nagsisilbing paalala sa lahat—opisyal man o karaniwang netizen—na hindi sapat ang basta mag-copy at paste dahil lamang sa takot o pangamba. Dapat pairalin ang pagre-research, pagfa-fact-check, at pagkuha ng impormasyon mula sa mapagkakatiwalaang sources.
Sa huli, ang “Think Before You Click” ay hindi lamang isang kasabihan kundi isang responsibilidad na dapat isabuhay sa araw-araw.
No comments:
Post a Comment