Posible bang Muling Bumalik ang “ABS-CBN” Branding sa Free TV?



Umiinit ang usapan online kung muling ibabalik ng ABS-CBN ang iconic nitong “ABS-CBN” branding sa free television.



Nagsimula ang spekulasyon matapos mapansin ng ilang netizens na ginagamit muli ng Lopez-owned media company ang pangalang “ABS-CBN” bilang platform identifier sa ilang programa nito tulad ng Roja at What Lies Beneath.

Kumalat din sa social media ang ilang promotional materials na may tagline na “ABS-CBN sa ALLTV2.” Ito ay tumutukoy sa free-to-air channel ng Advanced Media Broadcasting System, na pag-aari ng pamilya ng negosyanteng si Manny Villar. Sa kasalukuyan, ipinapalabas sa ALLTV ang ilang sikat na programa ng ABS-CBN na mapapanood din sa cable platform nitong Kapamilya Channel.

Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag mula sa ABS-CBN kung tuluyan na nitong ibabalik ang kilalang “ABS-CBN” branding sa free TV platform.


Matatandaang noong Mayo 5, 2020 huling nakita ng publiko ang ABS-CBN logo sa kanilang mga telebisyon matapos utusan ang network na itigil ang broadcast operations nang hindi ito mabigyan ng panibagong prangkisa sa panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Bagama’t wala pang kumpirmasyon, ang muling paggamit ng ABS-CBN branding sa ilang free TV promotions ay nagbukas ng bagong diskusyon sa mga manonood tungkol sa posibleng pagbabalik ng makasaysayang pangalan sa broadcast television ng bansa.

No comments:

Post a Comment