Nabawasan ng 54 porsiyento ang net loss ng ABS-CBN Corporation noong nakaraang taon, bumaba ito sa ₱2.6 bilyon, ayon sa pinakahuling ulat ng kumpanya. Ang pagbaba ng pagkalugi ay pangunahing iniuugnay sa pagtaas ng kita mula sa advertising at consumer sales.
Sa kabuuan, nakapagtala ang kumpanya ng ₱19.19 bilyon na consolidated revenues, na mas mataas ng 8 porsiyento kumpara sa ₱17.82 bilyon noong nakaraang taon. Sa halagang ito, ₱6.39 bilyon ang nagmula sa advertising revenues, habang ₱12.80 bilyon naman ang galing sa consumer sales.
Samantala, umabot sa ₱23.45 bilyon ang kabuuang gastos at expenses ng kumpanya, na tumaas ng 4 porsiyento mula sa ₱22.53 bilyon noong 2025.
Sa gitna ng pagkawala ng prangkisa sa free-to-air television, patuloy na pinalalakas ng ABS-CBN ang digital at international operations nito. Isa sa mga hakbang ay ang pagsasama ng mga streaming platforms nito sa ilalim ng IWantTFC, kung saan pinaluwag din ang geographic restrictions para mapanood ang entertainment at news content sa ilang bahagi ng mundo.
Bukod dito, nakapaglisensya ang kumpanya ng mahigit 180 titles sa iba’t ibang teritoryo sa Asia, Africa, Middle East, Europe, at sa mga international OTT platforms, na nagresulta sa higit ₱528 milyon na kita.
Kasunod naman ng pag-expire ng franchise ng Sky Cable, inilipat ng kumpanya ang pokus nito sa pagpapalawak ng broadband subscriber base. Sa kabila ng pagkawala ng direct-to-home (DTH) services, nakapagtala pa rin ang Sky Cable ng ₱8.40 bilyon na kita, na nagpapakita ng patuloy na demand para sa internet at connectivity services.
No comments:
Post a Comment