Sa kabila ng limitadong reach ng Kapamilya Channel, nananatiling mainit ang labanan sa primetime ratings sa pagitan ng GMA Network at ABS-CBN, ayon sa pinakahuling datos mula sa Nielsen Philippines sa ilalim ng National Urban Television Audience Measurement (NUTAM).
Samantala, patuloy namang nahuhuli ang TV5 kumpara sa dalawang broadcast giants sa kabuuang performance sa primetime.
Batay sa figures noong Huwebes, Enero 29, malinaw ang matinding kompetisyon sa mahahalagang timeslots. Sa 6:30 p.m., nanguna ang flagship newscast ng GMA na 24 Oras na nagtala ng 13.2% rating sa GMA-7 at GTV. Pumangalawa ang TV Patrol ng ABS-CBN na may 5.0%, na umeere sa Kapamilya Channel sa pamamagitan ng ALLTV2, cable, at A2Z. Naiwan naman ang Frontline Pilipinas ng TV5 na may 1.9%.
Sa 8:00 p.m. primetime slot, nanaig ang ABS-CBN sa pamamagitan ng FPJ’s Batang Quiapo na nakapagtala ng 9.0%, bahagyang nilampasan ang fantasy series ng GMA na Sang’gre na may 8.2%. Samantala, nanatiling mababa ang rating ng Totoy Bato ng TV5 na umabot lamang sa 0.9%.
Bumawi naman ang GMA sa 8:45 p.m. matapos manguna ang Sanggang Dikit FR na may 7.5%, mas mataas kumpara sa Roja ng ABS-CBN na nakakuha ng 4.7%. Sa panig ng TV5, ang replay ng Nag-aapoy na Damdamin ay nagtala lamang ng 0.6%.
Sa delayed telecasts sa GTV, nakapagtala ang Sang’gre ng 2.0%, habang ang Sanggang Dikit FR ay may 0.8%. Samantala, naging matatag ang performance ng ABS-CBN–GMA collaboration na Pinoy Big Brother Celebrity Collab 2.0, na umabot sa 5.0%, mas mataas kaysa sa What Lies Beneath na may 2.1% at sa replay ng Pira-Pirasong Paraiso na may 0.4%.
Sa late-night programming, muling nanguna ang GMA sa pamamagitan ng Saksi na may 2.2% rating. Sumunod ang ABS-CBN sa K-drama na Go Ahead na may 1.0%, habang ang Frontline Tonight ng TV5 ay nagtala ng 0.2%.
Habang naghahanda ang tatlong pangunahing network na maglunsad ng mga bagong programa sa mga susunod na linggo, inaasahang lalo pang titindi ang labanan sa primetime sa pagitan ng GMA, ABS-CBN, at TV5—isang senyales na patuloy na nagbabago at umiinit ang kompetisyon sa telebisyong Pilipino.
No comments:
Post a Comment