Inihayag ni dating senador Antonio Trillanes IV na ang mga alegasyong inihain nila laban kay Vice President Sara Duterte ay hindi lamang umano tungkol sa isyu ng confidential funds, kundi pati na rin sa diumano’y ilegal na transaksyon at pagkamal ng bilyong piso noong siya ay alkalde pa ng Davao City.
Noong Miyerkoles, Enero 21, naghain sina Trillanes at mga miyembro ng civil society group na The Silent Majority ng ikalawang reklamong plunder laban kay Duterte sa Office of the Ombudsman. Ang reklamo ay kaugnay ng diumano’y maling paggamit ng mahigit ₱600 milyon na confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at ng Department of Education (DepEd), gayundin ng mga inaakusahang anomalya noong siya ay alkalde ng Davao City, kabilang ang diumano’y pagtanggap ng pera mula sa drug dealers.
Sa kanilang 41-pahinang reklamo, hiniling ng mga complainant na imbestigahan si Duterte sa umano’y paglabag sa Republic Act No. 7080 (Anti-Plunder Law), RA 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act), RA 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees), RA 9160 (Anti-Money Laundering Act), pati na rin sa direct at indirect bribery sa ilalim ng Revised Penal Code.
Hiniling din nila sa Ombudsman na irekomenda sa House of Representatives ang paghahain ng impeachment complaint laban sa Bise Presidente sa mga batayang graft and corruption, plunder and bribery, culpable violation of the Constitution, betrayal of public trust, at iba pang matataas na krimen.
Sa panayam matapos ihain ang reklamo, sinabi ni Trillanes na ang kanilang mga alegasyon ay lumalampas pa sa usapin ng confidential funds at may kinalaman umano sa malawakang ilegal na gawain noong panunungkulan ni Duterte bilang alkalde.
“Through this complaint, we are calling on Ombudsman (Jesus Crispin) Boying Remulla to give attention to this case. This involves billions of pesos of stolen public funds,” ani Trillanes.
Dagdag pa niya, layon din umano ng reklamo na mahikayat ang Ombudsman na ipagpatuloy ang imbestigasyon sa diumano’y kuwestiyonableng bank transactions ng Bise Presidente at ng kanyang pamilya na umano’y na-flag noon ng Anti-Money Laundering Council (AMLC). Ayon kay Trillanes, may umiiral umanong memorandum of agreement sa pagitan ng Ombudsman at AMLC na maaaring magbigay-daan sa pagkuha ng bank records para sa mga na-flag na transaksyon.
Binanggit din ng mga complainant ang affidavit ni Ramil Madriaga, isang dating military agent na diumano’y bagman ng Bise Presidente.
Ito na ang ikalawang reklamong plunder na inihain laban kay Duterte sa Ombudsman. Ang unang reklamo ay naisampa noong Disyembre ng ilang civil society organizations at pangunahing nakatuon sa isyu ng confidential funds.
Cyberlibel Complaint
Samantala, naghain naman ng cyberlibel complaint si dating security chief ni Duterte na si retired Col. Raymund Dante Lachica laban kay Madriaga sa Department of Justice (DOJ) Region 11 sa Davao City. Isinama rin sa reklamo ang abogado ni Madriaga na si Raymond Palad.
Sa isang pahayag, sinabi ni Lachica na pinili niyang dumaan sa legal na proseso upang sagutin ang mga paratang laban sa kanya. Mariin niyang itinanggi ang mga akusasyon at iginiit na wala siyang kaugnayan kay Madriaga.
“The allegations circulated against me online are false, malicious and entirely without factual basis,” ani Lachica.
Nauna nang sinabi ni Madriaga na siya umano ay naatasang tumulong sa pagbuo ng Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG). Ayon sa kanya, inirekomenda niya si Col. Dennis Nolasco upang pamunuan ang Presidential Security Group, na umano’y kalaunan ay kumuha kay Lachica upang manguna sa VPSPG. Sinabi rin ni Madriaga na mula Hulyo 2022 hanggang Abril 2023 ay nagtrabaho siya umano sa ilalim nina Nolasco at Lachica.
Sa kasalukuyan, nananatiling alegasyon pa lamang ang mga paratang at inaasahang tutugunan ng mga kinauukulang ahensya ang mga reklamong inihain alinsunod sa batas.
No comments:
Post a Comment