SB19, Nakaranas ng Pagbaba sa Spotify Monthly Listeners

 



Ikinalungkot ng maraming fans ang makitang bumaba ang monthly listeners ng grupong SB19 sa Spotify. 


Ayon sa obserbasyon ng ilang tagasubaybay, pagsisimula pa lamang ng 2026 ay nasa humigit-kumulang 1.5 million ang monthly listeners ng tinaguriang Kings of P-pop. Gayunman, hindi pa man umaabot sa kalahati ang buwan ng Enero ay nabawasan na agad ito ng tinatayang 100,000 listeners.


Sa pinakahuling bilang, nasa 1.4 million na lamang ang kanilang monthly listeners—isang bagay na ikinabahala ng ATINs, lalo na’t umaasa silang tataas pa ito kasunod ng pag-aanunsiyo ng bagong major concert ng grupo. Nakatakdang idaos ang “Wakas at Simula: The Trilogy Concert Finale” sa Abril 18 sa SMDC Festival Grounds, na inaasahang magiging isa sa pinakamalalaking pagtatanghal ng SB19.


May ilang fans naman ang nagpahayag na posibleng nakaapekto sa pagbaba ng listeners ang kawalan ng bagong kanta ng grupo sa loob ng halos anim na buwan. Ang huli nilang inilabas ay ang awiting Umaaligid, kung saan unang beses nilang nakasama si Sarah Geronimo. Ang nasabing kanta ay inilabas noong Hulyo 30 ng nakaraang taon at mula noon ay wala pang kasunod na bagong release ang grupo.


Dahil dito, aktibo ang ATINs sa social media sa panawagang patuloy na makinig at mag-stream ng mga kanta ng SB19 sa Spotify upang muling mapataas ang monthly listeners ng kanilang mga idolo. Gayunpaman, sa kabila ng sama-samang effort ng fandom, kapansin-pansing hindi pa rin agad nagiging epektibo ang estratehiya, dahil imbes na tumaas ay patuloy pang bumababa ang bilang ng listeners.


Sa kabila ng numerong ito, nananatiling matatag ang suporta ng ATINs sa SB19. Para sa marami, pansamantala lamang ang pagbaba at naniniwalang muling sisigla ang streaming numbers ng grupo sa sandaling maglabas sila ng bagong musika at sa paglapit ng kanilang inaabangang concert.

No comments:

Post a Comment