Umuugong ang balita na humaharap umano ang TV5 sa lumalalang pangamba kaugnay ng patuloy na pagbaba ng primetime ratings, dahilan upang magpatawag ng emergency meeting ang Chairman ng MediaQuest Holdings na si Manny V. Pangilinan kasama ang Program Committee ng network.
Ayon sa mga source na sinipi ng Philippine Entertainment Portal (PEP), mas naging hands-on na umano si Pangilinan sa pagharap sa tinuturing na “alarming situation” para sa Kapatid Network. Layunin umano ng serye ng pulong na suriin ang kasalukuyang programming at maglatag ng agarang hakbang upang mapalakas muli ang panonood sa primetime slot.
Ang nasabing development ay kasunod ng pagwawakas ng content supply agreement ng TV5 sa ABS-CBN Corporation, na unang iniugnay sa umano’y hindi pa naaayos na obligasyon sa pagitan ng dalawang panig—isang isyung napabalitang kalaunan ay naresolba rin.
Sa kabila ng mga ulat at espekulasyon, nananatiling tahimik ang TV5 at MediaQuest Holdings at wala pa ring inilalabas na opisyal na pahayag kaugnay ng emergency meeting at sa tunay na estado ng primetime performance ng network. Sa ngayon, patuloy na nakaabang ang industriya at mga manonood kung anong direksiyon at pagbabago ang isusunod ng Kapatid Network sa mga darating na linggo.
No comments:
Post a Comment