Nilinaw ng big boss ng MVP Group at TV5 na si Manny V. Pangilinan na nananatiling bukas ang Kapatid Network sa posibilidad ng muling pakikipagtulungan sa ABS-CBN, sa kabila ng biglaang pagtatapos ng kanilang dating content agreement.
Kamakailan, binasag ni Pangilinan ang kanyang katahimikan hinggil sa pagwawakas ng kasunduan kung saan ipinalabas sa TV5 ang ilang Kapamilya programs. Aminado siyang may panghihinayang sa nangyari, ngunit iginiit na iyon na umano ang nararapat na hakbang sa kasalukuyang sitwasyon.
“It’s regretful, but it is what it is, right?” pahayag ni MVP sa isang panayam.
Ang naturang kasunduan, na nagsimula noong 2021 at muling napagkasunduan noong 2023 na tatagal sana hanggang 2028, ay nagdala ng ilang ABS-CBN programs sa Kapatid Network upang maabot ang mas malawak na audience. Gayunman, ito ay biglaang tinapos, na naging epektibo noong Enero 1, kasunod ang paglilipat ng buong Kapamilya program lineup sa ALLTV simula Enero 2.
Bagama’t may mga ulat na nagsasabing usaping pinansyal ang naging ugat ng pagwawakas ng kasunduan, nilinaw naman ng ABS-CBN na ang naturang isyu ay naresolba na, subalit buo na ang desisyon ng magkabilang panig na tapusin na lamang ang content agreement.
Sa kabila nito, iginiit ni Pangilinan na hindi sarado ang pinto para sa ABS-CBN. Ayon sa kanya, patuloy na bukas ang TV5 sa pakikipagtrabaho sa iba’t ibang content providers, kabilang ang Kapamilya Network at maging ang GMA Network.
“TV5 got to work with content houses, which ABS is one of them, and a major content house. We’re prepared to continue working with them as a content provider, and with other content houses, including possibly even GMA. We could work together in some of the content,” paliwanag ni MVP.
Sa kasalukuyan, ilan sa mga production companies na katuwang ng TV5 sa iba’t ibang proyekto ay ang APT Entertainment, Viva, at Cornerstone, bukod pa sa mga bagong serye at programang ihahandog ng sariling production arm ng network na MediaQuest Ventures.
Sa kabuuan, bagama’t natapos ang isang mahalagang kabanata sa pagitan ng TV5 at ABS-CBN, malinaw ang mensahe ni MVP: may puwang pa rin para sa kolaborasyon sa hinaharap, basta’t ito’y kapaki-pakinabang sa parehong panig at sa mas malawak na manonood.
No comments:
Post a Comment