Annabelle Rama May Banat kay Barbie

 



Nagbigay na ng reaksiyon si Annabelle Rama kaugnay ng mga biro at memes ng netizens tungkol sa diumano’y “clash” nila ni Barbie Imperial matapos kumpirmahin ng kanyang anak na si Richard Gutierrez ang relasyon nila ng aktres.


Sa panayam ng kolumnistang si Jun Lalin, tinawanan lamang ni Annabelle ang viral na paghahambing sa kanila bilang “Annabelle vs Barbie,” na hango sa imahe ng isang “evil doll” at ng sikat na manika.


“Ano ba ’yan?! Evil doll pa ako! Pero okay lang, hindi ko papatulan ’yan!” ani Annabelle. Dagdag pa niya, wala siyang dahilan upang makipag-away kay Barbie at itinuring lamang niya ang mga kumakalat na isyu bilang gawa-gawa ng ilang tao upang magdulot ng gulo.


“Bakit ko naman aawayin si Barbie? Gawa-gawa na naman ng iba ’yan para magkagulo kami. Wala naman akong dapat ipag-react kay Barbie,” paglilinaw niya. Higit pa rito, binigyang-diin ni Annabelle ang kanyang magandang impresyon sa aktres: “Mabait ’yung tao.”


Sa kabila ng mga memes at online jokes, malinaw ang paninindigan ni Annabelle Rama—walang hidwaan, walang samaan ng loob, at walang dahilan para palakihin ang isyu. Para sa kanya, mas mahalaga ang katahimikan at respeto, lalo na’t masaya ang kanyang anak sa kanyang personal na buhay.

No comments:

Post a Comment