Muling nagtakda ng bagong milestone ang ABS-CBN matapos maabot ng ABS-CBN Entertainment ang 54.5 milyong subscribers sa YouTube—pinakamataas sa media and entertainment category sa Southeast Asia noong 2025, batay sa datos mula sa Tubular at YouTube Analytics.
Nagpahayag ng taos-pusong pasasalamat ang ABS-CBN sa mga Pilipino at global audiences para sa patuloy na suporta, kasabay ng pag-angat ng channel bilang most subscribed sa rehiyon. Bukod dito, nanguna rin ang ABS-CBN Entertainment sa Pilipinas sa kabuuang video views at engagement noong 2025, na may 72.4 bilyong views at 526 milyong engagements mula Enero 1 hanggang Disyembre 31, ayon pa rin sa Tubular at YouTube Analytics.
Nag-aalok ang Kapamilya YouTube channel ng malawak na content—mula full episodes, highlights, at exclusive videos, hanggang sa livestreaming ng mga sikat na programa sa pamamagitan ng Kapamilya Online Live. Kabilang sa mga pinakapinapanood ng mga manonood ang FPJ’s Batang Quiapo, Roja, What Lies Beneath, TV Patrol, It’s Showtime, ASAP Natin ’To, Your Face Sounds Familiar, Rainbow Rumble, at Maalaala Mo Kaya.
Dominant din sa Facebook, TikTok, Instagram, at X
Hindi rin nagpahuli ang ABS-CBN sa iba pang digital platforms. Sa Facebook, ang pinagsama-samang opisyal na network, programa, at affiliate pages ng ABS-CBN ay umabot na sa 300 milyong followers hanggang Enero 23, 2026, na siyang pinakamalaking following ng isang Philippine media organization sa platform, batay sa Tubular data. Patuloy na nagsisilbi ang mga pahina ng ABS-CBN at ABS-CBN News bilang pangunahing source ng balita, aliwan, trailers, highlights, at live coverage ng mahahalagang kaganapan.
Sa TikTok, nangunguna rin ang ABS-CBN Entertainment sa entertainment content genre na may 12.8 milyong all-time followers. Samantala, sa Instagram, nagtala ang Kapamilya ng 85.3 milyong views noong Disyembre 2025—pinakamataas sa bansa ayon sa Tubular. Sa X (dating Twitter), ang ABS-CBN News ay No. 1 na most followed media account sa Pilipinas na may 9 milyong followers hanggang Disyembre 2025, batay sa Tubular Leaderboard rankings.
Habang patuloy na umuunlad ang ABS-CBN sa telebisyon, streaming, at digital platforms, nananatili ang pangako nito na maghatid ng content na nagbibigay ng pagmamahal, saya, at pag-asa sa mga Pilipino sa buong mundo.
No comments:
Post a Comment