Irregular Student sa UP, Naging Cum Laude at Top 9 sa Food Tech Board Exam

 


MANILA, Philippines — Mula sa pagiging honor student sa high school, naging irregular student sa kolehiyo, at kalaunan ay nagtapos bilang cum laude at Top 9 placer sa 2025 Food Technologist Licensure Examination (FTLE), patunay ang kuwento ni Jan Razz D. Awid, 25-anyos mula Davao City, na ang pagkabigo ay hindi wakas kundi hakbang tungo sa tagumpay.


Sa panayam ng The Summit Express, ibinahagi ni Awid ang emosyonal na sandali nang makita niya ang resulta ng board exam bandang alas-dos ng umaga. Matapos ang unang araw ng exam na puno ng kaba at luha, hindi niya inakalang mapapasama ang kanyang pangalan sa mga topnotcher.


“Akalang-akala ko babagsak ako,” ani Awid, na umaming umuwi siyang umiiyak matapos ang unang araw ng pagsusulit at hinarap ang ikalawang araw na walang tulog. Ngunit nang lumabas ang resulta, napasigaw at napatalon siya sa tuwa. “Ito po ang biggest plot twist ng buhay ko,” aniya.


Hindi rin Food Technology ang una niyang pangarap. Mula sa Tech-Voc Track–Home Economics Strand sa senior high school, nais sana niyang kumuha ng Hospitality Management. Ngunit nang pumasa siya sa UPCAT at makapasok sa UP Mindanao sa kursong Food Technology, sinunggaban niya ang oportunidad dahil sa libreng matrikula at lapit nito sa kanilang tahanan.


Gayunman, naging mabigat ang paglipat sa kolehiyo. Nabigo siya sa Algebra at Trigonometry—unang bagsak sa kanyang akademikong buhay—at muntik pang bumagsak sa Chemistry. Dahil dito, naging irregular student siya at umabot ng limang taon sa kolehiyo.


“I felt lost most of the time,” ani Awid. Inamin niyang dumaan siya sa yugto ng panghihina ng loob at pagdududa sa sarili, lalo na’t sanay siyang nangunguna sa klase. “Pakiramdam ko napag-iwanan ako,” dagdag niya.


Sa kabila nito, pinanghawakan niya ang dahilan kung bakit siya nagsimula—ang halaga ng edukasyon, ang sakripisyo ng kanyang mga magulang, at ang hangaring patunayan sa sarili na kaya niyang tapusin ang kanyang sinimulan.


Hindi rin niya inasahang magtatapos na may Latin honors. Ngunit ang mga pagsubok ang humubog sa kanyang pananaw. “Sa college, ang makapasa ay tagumpay na,” ani Awid.


Matapos magtapos bilang cum laude, nagsagawa siya ng masinsinang review para sa board exam—may istriktong iskedyul, paulit-ulit na mock exams, at kahit ilang pamahiin. Ang resulta: isang tagumpay na minsan ay inakala niyang imposibleng makamtan.


Ngayon, umaasa si Awid na magsilbing inspirasyon ang kanyang kuwento sa mga estudyanteng pakiramdam ay napag-iiwanan. “Kahit delayed o irregular student, hindi ka iiwan ng tagumpay,” aniya.


Kung may masasabi siya sa kanyang mas batang sarili, simple lang ang mensahe: “You did it. You redeemed yourself.”


No comments:

Post a Comment