Ogie Diaz May Payo sa BINI: "Kung Magsosyota Kayo, Pwede Bang Huwag Muna Ipakilala"

 



Nagbigay ng payo si Ogie Diaz sa mga miyembro ng P-pop girl group na BINI kaugnay sa kanilang pagharap sa kasikatan, partikular sa aspeto ng kanilang personal na buhay pag-ibig.


Sa pinakabagong episode ng kanyang YouTube show na Showbiz Updates noong Lunes, Hunyo 30, napag-usapan nina Ogie, Mama Loi, at Dyosa Pockoh ang tagumpay ng world tour at homecoming concert ng BINI. Habang bumuhos ang pagbati sa grupo, napunta rin ang usapan sa longevity ng grupo sa showbiz.

Bilang isang batikang talent manager, iminungkahi ni Ogie na kung sakaling magkaroon ng boyfriend ang alinman sa mga miyembro ng BINI, mas mainam na huwag muna itong isapubliko.

“’Pagka buo ‘yong grupo ninyo, pinagpaguran n’yo ‘yan, namnamin n’yo ‘yan. At the same time, pahabain n’yo pa ‘yong inyong pag-stay dito sa industriya bago kayo maghiwa-hiwalay o lumagay sa tahimik ‘ika nga,” saad ni Ogie.

Dagdag pa niya, may epekto raw ito sa fan service, lalo na sa mga lalaking tagahanga.

“May mga fans kayong lalaki, gusto nila, ilusyon nila, pantasya nila, kayo ‘yong mapangasawa. ‘Pag mayroon kayong syota-syotang pinapakilala ninyo, e mao-off din ‘yong iba,” paliwanag niya.

Hindi naman ito panghihimasok sa personal na buhay ng mga miyembro ng BINI, kundi isa lamang mungkahi para sa ikatatagal ng kanilang kasikatan. Ayon kay Ogie, napakahalaga raw ng image at ilusyon sa mga artistang bahagi ng idol culture tulad ng BINI.

Sa ngayon, nananatiling focused ang grupo sa kanilang karera at tila wala namang kumpirmadong romantic relationships sa kanilang hanay — bagay na ikinatutuwa ng kanilang fans na kilala bilang Blooms.

Patuloy ang pag-akyat ng BINI sa kasikatan, at gaya ng paalala ni Ogie, ang disiplina at maingat na paghawak sa personal na imahe ay mahalagang bahagi ng kanilang journey sa entertainment industry.

No comments:

Post a Comment