Hindi inaasahan ng marami na magiging emosyonal ang aktres na si Matet De Leon sa gitna ng kanyang live selling session sa TikTok.
Habang masigasig na ipinapakita at ipinapaliwanag ang kanyang ibinebentang corned beef products, bigla na lamang siyang napatigil, napahinto sa pagsasalita, at napaiyak sa harap ng camera.
Sa mga kuha ng netizens mula sa kanyang livestream, makikitang may ilang masasakit at mapanghamak na komento mula sa ilang manonood. Isa sa mga pinaka-tumatak na komento ay ang “Wala na kayong project?” at “Suplada ‘to kaya iniwan ni Ate Guy,” na malinaw na tumukoy sa yumaong Superstar na si Nora Aunor, ang kanyang adoptive mother.
Bagama’t hindi direktang pinatulan ni Matet ang mga komentong iyon, makikita sa kanyang reaksyon ang bigat ng emosyon—isang halo ng sakit, panghihinayang, at marahil, pangungulila. Hindi man niya tinukoy kung aling komento ang labis na nakaapekto sa kanya, malinaw sa kanyang kilos na hindi niya inaasahan ang ganitong klase ng pambabastos habang siya’y nagtatrabaho ng marangal.
Sa kabila nito, ipinagpatuloy ni Matet ang kanyang live selling session. Pinili niyang manatiling propesyonal at hindi nagpatalo sa panglalait ng ilan. Makalipas ang ilang araw, naglabas siya ng maikling video kung saan nilinaw niyang ginagawa niya ang pagbebenta online bilang isang marangal na trabaho para sa kanyang pamilya.
“Hindi ko ito ikinakahiya. Ginagawa ko ito para sa mga anak ko, para sa pamilya ko. Kung wala kayong magandang sasabihin, okay lang, basta ako, tuloy lang.”
Umani ng simpatya at suporta mula sa mga netizens si Matet. Marami ang nagpahayag ng paghanga sa kanyang tibay ng loob. Ilan pa nga ay nagsabing:
“Mas nakakabilib ang taong marunong magbanat ng buto kaysa sa taong puro panlalait lang ang alam.”“Ang marangal na trabaho ay hindi kailanman dapat ikahiya. Saludo kami sa’yo, Matet!”
Ang insidente ay naging paalala rin kung gaano ka-cruel at toxic ang social media minsan, kung saan ang ilang netizens ay tila nawalan na ng respeto sa pagkatao ng kapwa. Sa kabilang banda, nagsilbi itong inspirasyon sa marami—na ang dignidad sa trabaho ay hindi nasusukat sa kung artista ka pa ba o hindi.
Sa huli, si Matet De Leon ay nanatiling matatag—isang ina, negosyante, at artista na piniling lumaban sa katahimikan at dignidad. Isa siyang paalala na ang marangal na kabuhayan, gaano man kasimple, ay mas matimbang kaysa sa opinyon ng mapanuring mata ng social media.
No comments:
Post a Comment