Ivana Alawi, Tahasang Itinanggi ang Pagiging ‘Homewrecker’ sa Bagong Vlog



Tahasang sinagot ni Ivana Alawi ang matagal nang kontrobersiya kaugnay ng akusasyong siya umano ay naninira ng pamilya. 


Sa pinakabagong vlog ng aktres na in-upload nitong Miyerkules, Hunyo 23, nilinaw niya na hindi siya kailanman naging dahilan ng pagkawasak ng anumang pamilya.

  

Kasama ang kanyang ina na si Fatima at kapatid na si Hash, sumalang si Ivana sa isang lie detector challenge kung saan kailangan nilang sumagot ng “oo” o “hindi” sa ilang tanong. Ibinahagi rin ng aktres na ang ginagamit nilang polygraph device sa pagkakataong ito ay mas propesyonal at may gabay ng isang private investigator—mas tumpak kaysa sa kanilang naunang lie detector vlog.

  

Isa sa mga tanong na ibinigay ng bunsong kapatid ni Ivana na si Mona (na wala sa video ngunit nagpadala ng tanong) ay: “Ikaw ba ay nanira ng pamilya?”

  

Kalma at diretsong sinagot ni Ivana ang tanong ng “Hindi.” Agad namang nag-thumbs up ang operator ng lie detector, hudyat na totoo ang kanyang sagot.

  

“Hindi ako pinalaking manira ng pamilya,” paliwanag ni Ivana. “I respect families kasi kami nga broken family. Ano ‘to, tapos maninira ako ng family? Sira ulo ka pala e.”

  

Matatandaang naging sentro ng kontrobersiya si Ivana matapos siyang madawit sa isyu ng hiwalayan ng Bacolod Congressman at negosyanteng si Albee Benitez at ng kanyang estranged wife na si Dominique Benitez. Sa isang pahayag noon, inakusahan ni Dominique si Ivana ng pagkakaroon umano ng “illicit relationship” sa kanyang asawa.

  

Bagaman hindi diretsong nagsalita noon si Ivana tungkol sa nasabing paratang, pinabulaanan ni Cong. Benitez ang mga akusasyon ng kanyang dating asawa at humingi ng paumanhin kay Ivana at sa kanyang pamilya sa pagkakadawit nila sa kanyang pribadong isyu.

  

Sa muling pagbibigay-linaw ng aktres, marami sa kanyang tagasuporta ang nagpahayag ng paghanga sa kanyang tapang at katapatan. Pinatunayan niya sa kanyang vlog na hindi siya natatakot harapin ang mga maling paratang, at patuloy siyang naninindigan sa kanyang prinsipyo bilang isang taong may respeto sa pamilya.

No comments:

Post a Comment

Blog Archive