Sa ginanap na taunang stockholders’ meeting ng ABS-CBN nitong Huwebes, opisyal na inihayag ni President at CEO Carlo L. Katigbak na hindi na muling magsusumite ng aplikasyon para sa congressional franchise ang media giant upang makabalik sa tradisyunal na broadcasting.
“Even if Congress granted the franchise to ABS-CBN, we would not be able to rebuild our former national network, because all the frequencies we used to transmit have already been granted to other broadcasters,” pahayag ni Katigbak. Ibig sabihin, kahit mabigyan pa sila ng panibagong prangkisa, wala na silang channel frequencies na magagamit dahil naipamahagi na ito sa ibang networks.
Sa halip na bumalik sa dati nitong sistema, inilahad ni Katigbak ang bagong estratehiya ng kompanya na umiikot sa tatlong pangunahing layunin:
-
Paggawa ng world-class content na patok hindi lang sa lokal kundi pati sa internasyonal na merkado,
-
Pakikipagpartner sa mga kasalukuyang TV at radio broadcasters gaya ng A2Z, TV5, at GMA upang mapanatili ang visibility ng kanilang mga programa,
-
At pinalawak na operasyon sa ibang bansa para maabot ang mas maraming overseas Filipinos.
“We have embraced our partnership model and feel that it has been good for us as well as for our partners,” aniya, na tumutukoy sa mga kolaborasyon ng ABS-CBN upang manatiling makikita at marinig sa kabila ng kawalan ng prangkisa.
Dagdag pa ni Katigbak, naghahanda na rin ang ABS-CBN para sa hinaharap kung saan ang telebisyon ay hindi na ang sentro ng industriya ng aliwan sa Pilipinas. Kaya’t lalo nilang pinapalawak ang digital platforms, global licensing, at music at film revenues bilang bagong sources of income.
Kumpiyansa rin si Katigbak na makakamit ng ABS-CBN ang profitability sa loob ng susunod na 18 buwan. Ayon sa kanya, malaki ang magiging tulong ng pagsigla ng advertising market at ng paparating na eleksyon sa 2025 para sa kanilang turnaround.
“I believe we are finally well positioned for a turnaround in 2025. The advertising market is recovering from last year and we will get an extraordinary bump from election-related advertising,” dagdag ni Katigbak.
Bagama’t hindi na babalik ang ABS-CBN sa dating anyo nito bilang isang national TV network, nananatiling aktibo at makabago ang kompanya sa pamamagitan ng bagong media strategies na patuloy na umuugnay sa mga Pilipino saanmang panig ng mundo.
No comments:
Post a Comment