Nakawala ang isang baka mula sa binakurang bahagi ng Matayum Lagoon sa Cataingan, Masbate nitong Sabado, ika-21 ng Hunyo, 2025.
Isa ito sa mga bakang dapat hulihin sa palarong Juego del Toro na nilahukan ng mga kawani mula sa iba’t ibang Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) offices sa rehiyon ng Bicol.
Sa halip na mapabilang sa laro, dumiretso ang baka sa dagat at lumangoy palayo sa pampang—tagpo na nakunan ng drone video ni JM Nga VLOGS at agad naging usap-usapan.
Ligtas namang na-rescue ang hayop.
Ayon kay Lt. John Louis Sibayan, Commander ng Coast Guard Masbate, nagkataong nagpapatrolya ang kanilang grupo sa lugar kaya agad nilang natugunan ang insidente.
Tinatayang halos dalawang kilometro ang nalangoy ng baka mula sa pampang. Umabot ng 15 hanggang 30 minuto ang operasyon ng pagsagip dahil sa matinding pagpupumiglas ng hayop, lalo na tuwing nakakainom ito ng tubig-dagat.
No comments:
Post a Comment